Bituin (Tula)

bell choir
Isang larawan kasama ang Springs Bell Choir. Ang mga kabataang ito ay tumutulong na maisakatuparan ang pagkakaroon ng malinis na inuming tubig sa pamamagitan ng pagtugtog ng mga “bells” o kampana. 

 

 

Ikaw ay isang bituin.

Tanglaw sa kalawakan.

Liwanag sa kadiliman.

Ikaw ay isang kayamanan.

Yamang dapat alagaan at pahalagahan.

Yamang hindi lamang basta basta pakakawalan.

Ang iyong mga halakhak ay bunga ng iyong mga pangarap na naka-angkla sa iyong mga pakpak.

Ang iyong tawa ay pumupuno sa mga nawawalang pantig at parirala.

Ang iyong tinig ay mistulang talinghaga

Sa mga katagang bumabakat sa mga alaaala.
Ikaw ay isang larawan ng pagka-dalisay na sana sa habang panahon sa amin ay aakay.

Mga pangarap mo ay nakasakay sa isang bangkang papel, na hindi lamang manantiling isang liham, kundi balang araw ay hahantong sa pinipintong katuparan.
Ikaw ay isang bituin,

maliit man sa malayong tingin,

Ngunit malayang bigyang ningning,

Ang mundong nangangapa,

Sa dilim.
– “Bituin”, Abellon

08 oktubre 2017

Advertisements

Mga Bagay Na Natututunan Ko Sa Pag-Ibig (Tula)

Una, ang pag-ibig ay isang bisita. 

Bisita na naghihintay na papasukin ng tadhana 

na kapag sa oras na katukin na nito ang iyong puso, 

ay magtataka ka marahil kung eto na nga ba ang sinasabing tamang panahon. 

Na minsan, magdadalawang isip ka pang patuluyin siya sa takot na baka ikaw ay masaktan.

Na baka sa oras na ikaw ay iwanan baka iwanan ka nitong luhaan. 

Sugatan. 

Na baka sa paglagapak mo’y matagal bago ka muling mabuo. 

Walang mga kamay na maaring sumalo sa’yo. 
Pangalawa. 

Sa pag-ibig, ay matututo kang maghintay.

Maghintay ng pagkakataong mahawakan ang kanyang mga kamay,

mga pagkakataong sa daan ng buhay, 

marahil siya na ang maari mong makasabay,

Na maraming pagkakataon na hahayaan ka ng buhay na manatili sa isang tabi. 

Tahimik. Naghihintay. Nilalasap ang bawat sandali. 
Umaasang balang araw, mapapawi rin ang iyong inip 

sa katagalan ng paglalakbay.

Na makakarating ka rin sa buhay at matatanaw mo ang taglay nitong kulay.

Pangatlo,

Matututo kang magbigay.

Magbigay ng sarili, ng panahon, ng oras, 

Na matututo kang pahalagahan ang mga oras na lumilipas,

Na wala kang sasayanging panahon, na kung may mga bagay na hindi mo pa nagagawa noon ay magagawa mo pa ngayon.

Pang-apat, 

Sa pag-ibig, matututunan mong sumugal,

Na maitaga mo sa bato ang iyong pagmamahal,

na hindi hadlang ang mga pambubulahaw at panghuhusga ng mundo,

Upang kayong dalawa ay manatiling tapat hanggang dulo, 
Pang-lima,

Na ang pag-ibig ay ang sagot sa pagkukulang,

na pag-ibig ang pupunan sa mga nawawalang patlang,

Na kahit lahat ng bagay sa mundo ay maglaho sa iyong paningin,

Mayayakap mo ito na pag-aari mo rin,
Pang-anim,

Na ang pag-ibig ay ipinadama ng Maylikha sa’yo, 

sa’yo, 

sa’yo, 

sa akin, sa atin

na kahit ano pa man ang nakaraang dinaanan natin,

na anuman ang mga sugat na iniwan nito,

ay hindi hadlang upang muli ka nitong yakapin ng buo. 
Pang-anim. 

Na tayo ang daan patungo sa pag-ibig.

Buksan natin ang ating mga kamay.

Humandang umalalay sa mga nananamlay.
Pang-pito. 

Na ang umibig ay ang umakap ng isang tao sa kabila ng kanyang depekto.

Na ang pag-ibig ang daan sa isang tao upang makumpleto.

Na ang mismong lumikha nito,
ay umiibig ng tapat

sa’yo.
– ALDA, 2017.

Buo

Ituon ang sarili sa mga taong nagmamahal sayo.
Buong buo ang pagtanggap na matatamo.
Ipalagay mo na sila ang iyong mundo.
At ikaw ay uuwing

buo.

 

Abellon, Agosto 2017.

Umpisa

Pinunla ng Maylikha ang lahat sa simula.
Ang karagatan, lupa, ang buwan,
mga tala, mga hayop na lagalag,
Maging ang tao.
Hiningahan Niya ito sa Kanyang kaluluwa.
Winangis Niya ang lahat ayon sa Kanyang larawan.
Bakas ang kariktan sa sangkalupaan.
Ikinatuwa Niya ito ng lubos.
Kaya’t pinagpala ang daigdig.
Ipinaubaya Niya sa Kanyang kawan.
Ngunit di nagtagal, nasupil ng makasariling hangarin ang dangal ng tao.
Lumabag ang tao sa Kanyang mga utos.
Nalason sa kasalanan ang kanilang mga puso.
Dumating ang bagyo.
Ang sigalot.
Ang mga buhawi ay unti-unting nilamon ang bayan sa takot.
Tinangay na ng aplaya ang apoy na minsan nang lumiyab sa Kanyang pag-ibig.
Nanlamig ang puso ng tao.
Lumayo sa piling Niya.
Hindi hinangad ng tao na malayo sa kanlungang kanilang itinayo.
Ngunit may inumpisahang muli ang Nag-iisa.
Itinaya Niya ang Kanyang buhay para sa madla.
Isinantabi Niya ang kanyang sarili para sa ikakapayapa ng daigdig.
Maging ang sariling katawan ay Kanyang isinugal para sa akin.
Para sa’yo.
Hindi ba’t ito ang pinakadakilang yugto?
Ang limutin Niya ang Kanyang sarili para sa ikakaligtas ng mundo?
Tatlong oras Siyang nakaratay sa ilalim ng tirik ng araw sa pagtitiis para sa’yo.
Tatlong oras Niyang pinatunayan ang Kanyang pagsinta sa mundo.
Hindi pa ba sapat ‘yun upang tayo’y mabihag at maghangad sa pag-ibig Niyang ito?
Nalaman ito ng daigdig.
Ikinalat ang balita.
Hindi pagwawakas ang naging hatid ng Kanyang kamatayan.
Kundi ang panibagong umpisa ng lahat.

 

Abellon, Abril 2017.

Lansangan

Dalawa tayong naglilibot sa lansangan ng pag-ibig.
Nilalakaran ang bawat eskinita ng ligaya, ng kalungkutan.
At maraming nakamasid sa ating pagmamahalan.

May mga taong hindi nila tayo maintindihan,
Kung bakit ba tayo ang itidnanhanang magtagpo sa magkabilang dulo ng daan
Ngunit sino ba sila upang diktahan ang mga puso nating humihinga sa piling ng isa’t isa?
Hindi ba’t ang magmahal ay ang tanggapin ang karupukan at kabuuan ng isa’t isa?

Ngunit hindi naging hadlang ang kanilang mga pambubulabog upang patuloy tayong magsalo sa pagmamahalan nating patuloy na hinihinog ng panahon.

Sabay tayong naglalaboy at naglalakbay sa daan ng pag-ibig.
Pag-ibig na handang sumalo ng bawat lungkot.
Pag-ibig na handang unatin ang bawat gusot.

Kaya sana, sa paglalakbay na ito ay huwag mo akong iwanan.
Dahil ikaw ang aking tahanan.
Tahanang hindi kayang tibagin ng mga nakaraan.

Ikaw ay akin, ako ay iyo.
Kulayan natin ang pag-ibig nating ibinigay sa atin ng mundo.

 

 Abellon, 2017.

Biyahero (Tula)

 

Bawat araw ay isang biyahe.

Tayo ay mga biyaherong hinahanap ang ating mga sarili sa isang mundong nagbabago ang takbo.

Binabagtas ang bawat kalye, mga eskinita,

mga lugar na maari nating maiwanan ng bakas ng ating paghinga.

Mga yapak nating patuloy sa paghayo sa mga tanawing dinadaaanan ng ating mga mata,

Mga lugar na minsang naging bahagi ng ating pagkatao,

bawat bahagi nito ay parte ng ating sariling kasaysayang patuloy nating binubuo.

Kanya-kanya tayong paraan kung paano mararating ang ating paroroonan,

maaring tayo’y nag-iisa, o maaring may mga kasama

na maari nating maging katuwang sa piniling daan.

Sa bawat biyahe ng buhay ay hinahayaan nitong makabuo tayo ng sarili nating lungsod,

isang lungsod na binubuo ng mga matatayog na pangarap na kasingtayog ng mga gusali,

mga hangaring minsan na nating inilipad sa kalangitan,

mga panalanging parating binibigkas at pinanghahawakan.

Tangi nating hawak ay ang mapa na maghahatid sa atin sa totoong paglayang ating inaasam

mula sa Nag-iisang patuloy na nililinaw ang mga agam-agam.

Siya ang nagmimistulang mga pakpak na ililipad tayo tungo sa liwanag.

Bawat siyudad ay may buhay na kuwento,

at maraming pagkakataong dito natin pipiliing magbalik.

Pipiliing parating buuin ang ating mga sarili.

Dahil walang sinumang nais makalimot sa kanyang pinagmulan.

Na magbago man ang pag-ikot ng mundo,

ang mga pook ng kanyang pagkatao’y parati niyang

 

babalikan.

 

— ALDA, 2017.

 

blog
photo by ALDA. Feb 2016.

Agila (Tula)

 

 

 

1520836
photo: http://www.smartcc365.com/WDF-1520836.html

 

(taken from Is. 40:31)

 

 

Musmos ako noon, pinangarap kong maging katulad ng isang agila.

Gusto kong lumipad, ikampay ang aking mga pakpak na makita ko ang ganda ng kalangitan.

Na ako ay may masidhing kagustuhang tuklasin

ang ginagalawan kong mundo gamit ang aking malikot na isipan.

Kaya’t sinimulan kong tahakin ang bawat hakbang

sa pagpupursige sa pag-aaral ng mga alpabeto,

mga numero, mga bakas ng kasaysayan,

at mga bagay na may kinalaman sa siyensya.

Sinimulan kong gumawa ng sarili kong daigdig

kung saan ang mga talang kumikislap sa aking munting kalawakan

ay ang mga taong nagmamahal sa akin ng walang alinlangan,

mga kaibigan kong umaakbay sa aking balikat at inihahatid ako

sa bawat lansangan na posible kong mapuntahan habang ako’y patuloy sa paglalakad.

Sila ang aking sandigan at saklay sa mga pagkakataong pinipilit pilayan

ng mga taong walang ibig gawin kundi harangin ang mga pangarap ko

at hindi ko na magawang humakbang ng tuloy-tuloy at walang tigil.

Nariyan man sila, ay tuloy lamang ako sa paghakbang gamit ang tapang,

pananalig at lakas ng paninidigan

sa mga bagay na alam kong may silbi, may pakinabang at may katotohanan.

Kaya’t sayong nais lumipad katulad ng isang agila:

Simulan mo na ang paglalayag.

Ikampay ang iyong mga pakpak gamit ang pusong handang mabuksan

patungo sa bagong pakikipagsapalaran.

‘Wag kang huminto sa paglalakad, nakahanda na ang daang tatahakin ng iyong mga yapak,

matutong maghintay ng tamang hudyat na igagawad ng Kataas-Taasan,

dahil Siya ang aakay sa’yo patungo sa paraisong inaasam mo.

Nasa Kanya ang kaganapan sa mga pangarap mo.

Gawin mong pagkakataon ang bawat karanasan na inilalapat sa iyong harapan,

matutong lumingon sa mga aral na nakagisnan at tumindig para sa tama.

At ngayon, heto pa rin ako.

Humihinga, patuloy na ninanamnam ang bawat pagkakataon na binibigay ng tadhana.

Na kahit maraming beses ko Siyang nawawaglit sa isipan ko, alam ko,

nabubuhay ako at humihinga sa mga palad Niya.

At napagtanto ko,

napakasarap palang maging isang agila,

kung alam mong hindi ka nag-iisa.

 

 

— ALDA, 2017